top of page
Search

Sto. Niño de Malolos Exhibit 2022


In spite of the pandemic, the Sto Niño de Malolos exhibit has pushed through.


Watch the virtual exhibit with Bro. Jesse G. Caling, MI at the page of Halina Bayan ng Diyos, Magnilay Tayo.


For a background on the exhibit, read this piece, written in Tagalog, on the history of the exhibit:


Ang Sto. Niño de Malolos Exhibit, Kapayapaan sa Gitna ng mga Ligalig John Robert O. Rodriguez


Taong 1975, habang umiiral ang Batas Militar sa bansa, nang sa unang pagkakataon ay nagkaroon ng pagtatampok ng iba’t-ibang imahen ng Mahal na Poong Sto. Niño sa Malolos. Sa gitna ng nakababagabag na klimang politikal at mga agam-agam kaugnay sa kaligtasan ng lahat, ang mga tagapagmana ng matatandang Tantoco at Bautista na mga taga-Kamestisuhan ay pinasimulan ang isang panatang magiging punlaan ng debosyon ng maraming taga-Malolos – ang taunang Sto.Niño Exhibit.


Ang dakilang simulaing ito ay unti-unting lumago at nakahikayat sa maraming Katolikong Bulakenyo na higit pang paunlarin ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan sa pagdedebosyon sa paslit na si Hesus.





Sampung taon ang nagdaan, ang malubhang krisis pang-ekonomiya, na pinatindi pa ng pananalasa ng mga bagyong Maring at Nitang noong 1984, ay hindi nahadlangan ang masiglang pagdiriwang ng pista ng Sto. Niño sa Malolos noong 1985. Muli ay nagtipon-tipon ang mga deboto sa Casa Real de Malolos, pinangungunahan ng mag-asawang Hermogenes at Justa Tantoco na noon ay Hermanos Mayores, upang sa ika-sampung pagkakataon ay idambana ang kahanga-hangang mga imahen ng Batang Hesus na mabisang kasangkapan sa pagpapalalim ng pananampalataya ng mga Katolikong taga-Malolos.


Sa karurukan ng mga hidwaang pampulitika sa Pilipinas dala ng mapaniil na diktadurya, tuloy pa rin ang pista at exhibit noong 1986. Ang Obispo Cirilo Almario, noong hapon ng Enero 19 ng nasabing taon, ay pinasinayaan at binasbasan ang mga natitipong munting imahen ng Niño Hesus sa mga bulwagan ng Casa Real. Nang sumunod na Linggo, araw ng pista, ang Patrong Sto. Niño de Malolos ay muling inilulan sa kanyang pilak na karo na napapalamutian ng crisantemos blancos at puting orkidyas at iprinusisyon sa kabayanan ng Malolos. Ito wari’y naghuhudyat ng napipintong pagdadalisay sa gobyerno ng Pilipinas at ng pamamanaag na muli ng demokrasya sa Perlas ng Silanganan.


Sa umpisa ng Dekada ‘90 ay maraming sakuna ang dinanas ng bansa. Lumindol nang napakalakas, pumutok ang Bulkang Pinatubo, nalubog sa lahar ang maraming bayan, at ‘di mabilang na bagyo ang humagupit sa Luzon, Visayas, at Mindanao. Kasabay pa nito ay ang mga banta ng kudeta at terorismo. Mamamangha ka’t sa gitna ng lahat ng ito, walang likat na itinaguyod ng mga deboto ang exhibit at pista ng Sto. Niño sa Malolos.






Noon namang 1995, habang kinakayas ang mga singkaban at tinatahi ang mga banderitas para sa kapistahan ng Sto. Niño, ang Papa Juan Pablo II ay dumalaw sa bansa upang pangunahan ang Pandaigdigang Araw ng mga Kabataan. Ang paglalagablab ng pananampalataya ng mga Katolikong Pilipino na idinulot ng pagdalaw ng Santo Papa ay tila nga masasalamin sa pagdami pa ng mga lumalahok sa taunang exhibit ng Sto. Niño.

Kasabay ng pagbubukas ng bagong milenyo ay ang pagdiriwang naman ng Pinilakang Anibersaryo ng exhibit ng Sto. Niño de Malolos.


Habang laganap ang mga sabi-sabing ang taong 2000 ay siya nang katapusan ng daigdig, ang mga deboto naman ng Sto. Niño ay lalo lamang sumidhi ang pamimintuho sa munting patron ng Kamestisuhan. Bakit nga ba sila mababahala kung ang mundo’y naroroo’t tangan-tangan ng Sto. Niño sa Kanyang kamay?


Sa mga panahong ito, ang kasapian ng Sto. Niño de Malolos Foundation ay binubuo na hindi lamang ng mga taga-Malolos at ng kanilang mga kaibigang residente ng mga kanugnog na bayan, kundi ng maraming taong nagmula sa iba’t-ibang panig ng Pilipinas. Kasabay ng pagaala-ala noong Enero 23, 2000 sa ika-101 guning taon ng Unang Republika ng Malolos ay ang pagpapasinaya sa ika-25 Sto. Niño de Malolos Exhibit.


Dahil sa patuloy na paglago ng bilang ng mga sumasali sa taunang exhibit ng Sto. Niño, ipinasya ng pamunuan ng Sto. Niño de Malolos Foundation, Inc. noong 2002 na ilipat ito sa Museo Eklesyastikal ng Malolos na matatagpuan sa kumbento ng Simbahan ng Barasoain. Ang mas maluluwag na mga bulwagan nito ay naging susi upang mas marami pang imahen ng Sto. Niño ang maitanghal. Ito nga ang magiging tahanan ng Sto. Niño de Malolos Exhibit sa susunod na 19 na taon.


Hanggang sa sumulpot ang Covid-19.


Ilang linggo matapos ang ika-45 na exhibit at pagdiriwang ng kapistahan ng Sto.Niño noong 2020, isang salot ang dumatal sa ating kapuluan. Mula sa paisa-isang kaso ng sakit na noo’y tinatawag pang Novel Coronavirus, tila mabalasik na tumor na lumago ang bilang ng mga nagkakasakit ng Covid-19 sa bansa. Ang tao ay nagkulong sa kanilang mga bahay, ang mga gawai’t negosyo’y nahinto, at ang buhay nga ay nagtila isang bangungot na hindi matapus-tapos.


Sa kasagsagan ng pandemya, kahit ang mga pinaka-marurubdob na deboto ng Sto. Niño ay hindi nakaligtas. Madami ang nagkasakit, may ilang nag-agaw buhay, at ilan ngang imahen ng Sto. Niño ang naging tagatanod sa mga garapong naglalaman sa mga abo ng kanilang mga camarero. Ang huling kalahati ng 2020 ay naging isang napakadilim na yugto sa pribadong buhay ng bawat isa at naging panahon din ng matinding kalungkutan sa mga deboto ng Mahal na Poong Sto. Niño de Malolos na nakasaksi sa pagpanaw ng ilan sa mga minamahal nilang kasama sa pagdedebosyon.

Ang sumunod na taon, 2021, ay isa sanang taon ng malaking kagalakan sa Pilipinas dahil sa paggunita ng ika-limandaang taon ng Kristiyanismo sa ating bansa. Ngunit ang pag-ahon sa pandemyang inaasam-asam ng bawat isa ay nanatiling isang di-maabot na pangarap. Bagkus, lalo pa ngang lumubha ang kalagayan ng bansa. Bakas sa mga “physically-distanced” at tadtad sa “health protocols” na mga pagdiriwang ang bigat ng kalooban at pangamba ng bawat isa.


VIRTUAL EXHIBIT


Sa Malolos, isang virtual exhibit ang nilikha at ipinalabas sa social media noong panahon ng pista ng 2021 upang kahit paano’y maipagpatuloy ang tradisyunal na pagtatanghal ng mga imahen ng Sto. Niño. Marami ang natuwa dahil sa natatanging pamamaraan ay natunghayan ng mga dati nang pumupunta sa exhibit (at maging ng mga nasa malalayong lalawigan ng PIlipinas at ibayong dagat) ang mga imahen ng Sto, Niñong kanilang kinagigiliwan sa kabila ng mga lockdown at banta ng Covid-19. Higit pa riyan, napatunayan ng mga kasapi at pamunuan ng Sto. Niño de Malolos Foundation na tila nga walang balakid na hindi kayang lampasan alang-alang sa pagsinta sa Batang Hesus.


Ang hindi alam ng marami, nagkaroon din ng pisikal na exhibit noong 2021. Ang ilang kasapi ay tinanong kung maaari bang dalahin nila ang kanilang poon at may ilang nagpaunlak. Tulad ng dati, ihinilera ang mga Sto. Niñong nakilahok sa silid sa silong ng kumbento ng Barasoain, ginayakan nang payak na payak, at binasbasan sa isang tahimik at pribadong seremonya. Pagkapasinaya sa exhibit ay ipininid din ito agad. Isang linggong itinahan ang mga imahen ng Sto. Niño sa nabanggit na lunan, ngunit hindi ito binuksan sa publiko. Samakatuwid, hindi napatid ang tradisyong pinakakaingat-ingatan ng mga deboto ng Sto. Niño sa Malolos. Iyan ay sa kabila ng tila di maiigpawang balakid ng pandemya. Ang ika-46 na Sto. Niño de Malolos Exhibit ay tila nalambungan ng pangamba at ligalig ngunit sa pinakapuso nito ay ang hindi natitigatig na pananampalataya sa Maykapal – repleksyon ng araw-araw na pakikiharap ng bawat Pilipino sa panganib na dulot ng Covid-19.


Ngayong 2022, tila hindi pa nga abot ng ating paningin ang hangganan ng pandemyang lumumpo sa ating ekonomiya at umagaw sa napakaraming tao at bagay na mahal at mahalaga sa atin. Para ngang manhid na din tayo sa mga hilahil na dulot sa atin ng Covid-19 kaya bagamat alam nating nandiriyan pa din ang panganib na mahawa ng sakit, ginagawan na natin ng paraan na makabalik tayo sa karaniwang takbo ng ating buhay.


Maraming pag-uusap at pagtitimbang ang naganap bago mapagpasyahan ang pagpapanumbalik ng malakihang exhibit ng Sto. Niño sa Malolos. Ang kaliit-liitang detalye ay masusing pinag-isipan upang hangga’t maaari ay mabawasan ang peligrong hatid ng pagtitipon ng maraming tao. Hindi bulag at bingi ang mga tagapamahala ng pista sa mga agam-agam sa kaligtasan ng mga camarero at mga panauhin. Ang totoo, sila pa nga ang abut-abot ang pag-aalala at nalalaman nila ang bigat sa konsensya ng ikaw’y maging daan ng ikapapahamak ng iyong kapwa. Matapos ang mahabang pagmumuni-muni, mabusising pagpaplano, at sapin-saping pananalangin, napagkasunduang ang isang halos-normal na Sto. Niño Exhibit ngayong 2022 ay maaari namang maidaos.


Sa tulong at pakikiisa ng maraming indibidwal at grupo, narito at ang ika-47 Sto. Niño de Malolos Exhibit ay pinasinayaan noong ika-21 ng Enero sa Bulacan Capitol Gymnasium. Kung dati’y ‘di mahulugang karayom ang mga bulwagan ng exhibit sa dami ng tao, ngayo’y makakahiga ka sa lapag sa luwag. Paano’y ipinapapatupad nang mahigpit ang physical distancing. Totoong hindi kasing dami ang taong pumupunta tulad ng dati, ngunit hindi nalalagot ang dating ng mga bisitang sabik na sabik na muling makita at makapanalangin sa harap ng imahen ng Sto. Niñong higit na nangungusap sa kanila. Masasabi ngang mula sa pagiging isang kaimposiblehan, ang ika-47 na exhibit ng Sto. Niño sa Malolos ay maituturing nang isang malaking tagumpay.


Nakalulula pa rin ang bilang ng mga nagkakasakit ng Covid-19 at tunay na ang hinaharap ay puspos pa rin ng kawalang-kasiguraduhan. Ang gobyerno’y patuloy pa rin sa pag-aapuhap ng mga solusyon na magbabangon sa ating bansa sa kinasasadlakan nitong dusa. Sa buong mundo, ang panginorin ay tila ayaw pang lubusang magliwanag at palagi nang nagbabanta ng isa pang pagbuhos ng mga bagong kaso ng Covid-19. Ang puso’t isip, katawan at kaluluwa ng halos lahat ng tao ay pagal na pagal na sa pag-aalala at ang nais na lamang ay makaranas kahit kaunting kapayapaan kung saan maaaring limutin kahit sumandali ang lahat ng bagay na bumabalisa sa kanila.


Ito marahil ang dahilan kaya ang tao’y wiling-wili pa ding tumungo sa Sto. Niño Exhibit. Dahil sa ilang minutong ilalagi nila sa pagmamasid sa iba’t-ibang larawan ng batang Hesus, nakadarama sila ng kapayapaan. Alin nga bang pangamba ang hindi kayang tunawin ng ngiti ng Sto. Niño? Ano nga bang alalahanin sa buhay ang hindi kayang pagaanin ng mukha ng walang muwang na batang alam mong iniibig ka ng Kanyang buong puso? Ang mga ligalig ng mundo’y hanggang sa tarangkahan lamang ng exhibit ng Sto. Niño. Sa loob, tanging ang kapayapaang dulot ng presensiya ng Diyos ang madarama.


Ibang-iba ang exhibit sa taong ito. Iba ang lugar. Iba ang mga paghahanda. Iba ang mga pamamaraan. Iba ang oras ng pagbubukas at pagsasara. Iba ang mga seremonya. Ngunit sa kaibuturan nito, ito rin ang exhibit na sinimulan ng ilang magkakaibigang magkakapitbahay sa Kamestisuhan noong 1975.


Ito pa rin ang malikhaing pagpapasalamat ng mga deboto sa Maykapal sa lahat ng biyayang kanilang tinatanggap. Ito pa rin ang pagdiriwang na umaalala sa pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan – sa Kanyang pagbibigay ng Kanyang bugtong na Anak alang-alang sa ating kaligtasan. Ito pa rin ang pagpaparangal at pagpupuri ng mga taga-Malolos sa munti nilang Hari na hindi madamot sa mga himala at pagpapala. Dito pa rin inihahasik, sumisibol, lumalago, at nahuhubog ang pananampalataya ng maraming kabataang Katoliko sa Malolos upang kalaunan, sila’y maging mabubuting mamamayan at Kristiyano. Ito pa rin ang Sto. Niño de Malolos Exhibit na mula noon hanggang ngayon ay nagsisilbing santwaryo ng kapayapaan sa gitna ng mga ligalig na umiiral sa mundo.

Apatnapu’t pitong taon nang singkad na itinataguyod ng Sto. Nino de Malolos Foundation Inc., ang taun-taong pagtatanghal ng mga imahen ng Sto. Nino sa Malolos. Anumang mga hamon at pagsubok ang dumating sa bansa - mula sa mga likas na sakuna tulad ng bagyo, lindol, tagtuyot, pagguho ng lupa, pagputok ng bulkan, at matinding pagbaha; hanggang sa mga krisis na likha ng tao tulad ng pagsadsad ng ekonomiya, kilusang komunista, mga pag-aaklas at rebolusyon, terorismo at iba pang mga banta sa kaligtasan at buhay ng tao; at ngayon nga, isang pandemya - sa kabila ng lahat ng iyan, tuloy ang exhibit at pista. Hindi naging hadlang ang mga ito sa mga deboto ng Sto. Niño de Malolos upang tuwing huling Linggo ng Enero ay magtipon-tipon sa kabiserang lungsod ng Bulacan upang tupdin ang kanilang panata sa Señor Sto. Niño. Ang debotong Maloleño ay mapilit, sapagkat mapilit din ang kanilang Diyos na pagpalain sila – sa mga tag-araw, at lalong higit sa panahon ng unos sa kanilang mga buhay.

Maliwanag ang Kanyang pangako, “Kung gaanong Ako’y inyong pinararangalan, ganoon Ko din naman kayo pagpapalain.” Narito nga’t ibinuhos nating mga namimintakasi sa Sto. Niño ang ating makakaya upang maparangalan natin Siyang muli sa pamamagitan ng ating taunang exhibit. Hindi tayo magpapalalo kay Kristo at magsasabing palitan Mo na po ang aming pagsisikap ng kagalingan mula sa pandemya. Ngunit nakatitiyak tayo na ang maawain nating Panginoon ay hindi tayo matitikis. Anumang mga ligalig ang sumusubok sa atin, huwag nawang mawaglit sa ating isip na naroroon Siya’t kapiling natin sa ating mga pagtitiis. Ito naman ang puno’t dulo ng ating pagtatanghal ng mga imahen ng Sto. Niño – ang magunita nating ang Maykapal ay nakatunghay at sumusubaybay sa atin, anuman ang kalagayan natin sa buhay.


Tunay nga, ang katiyakang ang Diyos ay karamay natin sa lahat ng oras ay tunay na nakapagdudulot ng kapayapaan sa puso’t isip nating mga mamamayan at sa kabuuan ng ating lipunan.


Señor Sto. Niño de Malolos, mahabag Ka po sa amin.

117 views0 comments

Comments


bottom of page