Transcribed by Joel V. Ocampo
Mga minamahal kong mga kapatid kay Kristo, magandang umaga po sa inyong lahat!
Parang naririnig kong nagsasalita si St. Joseph sa mga pangungusap ni Jesus sa ating Ebanghelyo ngayon. Ang pakikinig daw sa Salita ng Diyos ay katulad din ng pagtatayo ng bahay o isang gusali: tiyakin mong may matibay na pundasyon. Saan pa ba siya huhugot ng ganitong talinghaga kung’di sa karanasan Niya sa pangangarpintero kasama ang kanyang Tatay Jose. Hindi nga naman sapat na ang isang bahay ay maganda at maginhawang tirhan para tawagin na itong isang mahusay na halimbawa ng arkitektura. Kailangan ang bahay matibay o matatag din.
Tignan ninyo ang simbahang ito ng Sta. Cruz. Ilang daang taon na ba ito mula nang itatag? Itinatag noong 1619. Nagdiwang na ng 400th anniversary. Ilang henerasyon na ba ng mga Pilipino ang nagsimba rito? Ilang bagyo, ilang lindol, at giyera ang pinagdaanan nito? Pero heto, nakatayo pa rin, at ang nagbibigay tatag sa kanya ay yung hindi natin nakikita: ang pundasyon.
Sa taong ito ng 2021, ipinagdiriwang natin ang 500th Year of Christianity. Ika-500 taon magmula nang ipagdiwang ang unang Misa sa ating bansa. Ibig sabihin, five centuries na ang pananampalatayng Kristiyano dito sa ating bayan; pero tignan ninyo, matatag pa rin ang Simbahang Katolika dito sa Pilipinas.
Kahit dumating na parang banyaga ang Kristiyanismo sa ating bansa, hindi natin iwinaksi ito nang itaboy natin ang kolonyal na paghahari ng mga dayuhang Espanyol sa ating bansa, at tayo’y nagsimulang magtatag ng isang malayang bayan. Sa pagdaan ng panahon, hindi na kasi nanatiling banyaga ang ating pananampalataya. Nag-ugat ito at tumubo sa ating katutubong kultura. Niyakap natin at binigyan ng isang bagong anyo na tunay at sariling atin; at hanggang ngayon, matatag pa rin. Matibay kasi ang pundasyon.
Ilang taon na rin mula nang ipagdiwang ng mga unang alagad ang unang Eukaristiya, sa mismong silid sa Jerusalem kung saan sila binabaan ng Espirito Santo. Aba’y dalawang libong taon na po, pero heto, nakatayo pa rin tayo at lumaganap pa sa buong daigdig. Ilang daang beses nang sinikap na itumba ito, o wasakin ng maraming mga hari at emperyo sa mundo. Lahat sila ay lumipas na at naglaho, pero heto, nandito pa rin tayo: ang Sambayanan ng mga alagad ni Kristo. Buhay pa rin, nakatayo pa rin, matatag pa rin.
Ano ba ang sikreto? Ang sabi ni Jesus sa Ebanghelyo, humukay daw nang malalim at sa pundasyong bato nagtayo ang Panginoon nang itatag Niya ito. Hindi ba sinabi Niya iyon kay Pedro? “Sa batong ito itatayo ko ang aking iglesia at hindi ito malulupig kahit ng kapangyarihan ng kamatayan” (Mt. 16:18).
Hindi tatayo ang gusali sa iisang pundasyon. Ayon sa Book of the Acts of the Apostle, chapter 2 verse 42, apat ang pundasyon na binabanggit ni San Lucas, tungkol sa buhay ng mga unang naitatag na pamayanang Kristiyano. Una, ang katuruan ng mga Apostol; ikalawa, ang buhay komunidad; ikatlo, ang pananalangin; at ika-apat, ang paghahati ng tinapay na siyang tinatawag nating Eukaristiya. Lahat ng apat may kinalaman sa Salita ng Diyos – ang salitang ipinahayag ng mga Apostol, ang Salitang nagbubuklod sa ating mga pamayanan, ang Salitang nagsisilbing parang lengwahe ng panalangin sa pakikipag-ugnayan natin sa Diyos at ng Diyos sa atin, at higit sa lahat, ang Salitang ating ipinagdiriwang at pinagsasaluhan sa Eukaristiya. Ibig sabihin, simula’t sapul, ang Eukaristiya ay nagsilbi at nanatili bilang pundasyon ng pananampalatayang Kristiyano.
Sa araw na ito ng ating pakikibahagi sa National Eucharistic Congress, at bilang pakikiisa natin sa 52nd International Eucharistic Congress, tutukan natin ng pansin ang Eukaristiya bilang matibay na pundasyon ng ating pananampalatayang Kristiyano.
Tandang-tanda ko pa ang habilin ng obispo sa akin noong ako’y unang tumanggap ng ordinasyon sa pagka diakono. Ang sabi niya, “Receive the Word of God, whose herald you now are,” at [may] tatlong habilin: “Believe what you read, teach what you believe, and practice what you teach.”
Believe what you read – ibig sabihin, isapuso habang binabasa at pinakikinggan [ang Salita ng Diyos]. Ang mahalaga ay itanim sa puso. Huwag yung pasok sa isang tainga at labas sa kabila. Teach what you believe – ibig sabihin, please do not teach what you do not believe. Teach only what you are willing to die for. But above all, practice what you teach – isabuhay, isagawa. Ito ang nagbibigay tatag sa pananampalataya.
Isabuhay ang Salita. Hayaan itong magkalaman at magkadugo. Bilang pagpapatuloy ng misteryo ng pagkakatawang tao ng Anak ng Diyos dito sa mundo, sa sambayanan ng Kanyang mga alagad. Ang Kristong pinag-uusapan natin ay hindi Kristong ala-ala lamang ng 2,000 years ago.
Kapag nakatayo ako dito, hindi ako, kung’di si Kristo. Kanya naman ang sakripisyo ng Misa. Tayo ay kinatawan lamang. Kaya ang paring hindi marunong mawala sa sarili ay hindi maaring maging mahusay na pinuno sa pagdiriwang ng Eukaristiya. Kasi ang dapat marinig, si Kristo. Wala namang ibang pinuno ang Simbahan, walang ibang pastol, walang ibang pari, kung’di si Kristo. Mga katuwang lang Niya tayo.
Kapag hindi natin pinatatag ang pundasyon, aba’y para tayong nagtayo sa buhangin. Madaling babagsak sa mga panahon ng pagsubok, sa mga panahon ng kalamidad. Gaano karami na ang mga sigalot na hinarap ng Simbahan sa kasaysayan, sa dalawang libong taon nitong kasaysayan? Maraming marami na, pero heto, sa kabila ng ating makataong kahinaan, sa kabila ng ating sariling pagkukulang, hindi siya gumuguho. Nakatayo pa rin.
Heto na naman tayo, humaharap muli sa isa pang matinding krisis at kalamidad: ang pandemyang hindi lang sa ating bayan nagpapahirap kung’di sa buong daigdig. Pero, winawasak ba nito ang ating pananampalataya? Hindi. Sabi nga ng isang narinig ko, “Nasara man daw ng panandalian ang ating mga simbahan, nabuksan naman ang bawat tahanan sa Salita ng Diyos, sa pamamagitan ng teknolohiya.” Isang malaking biyaya ng Diyos ang digital technology, ang kakayahan natin ngayong ipaabot ang Salita through online live streaming. Kahit sa virtual, ipagbubuklod pa rin tayo ng sakramento ng pag-ibig. It transcends time, it transcends space.
Mga kapatid, kaiingat (o mag-ingat). Matinding bumanat si Satanas. Nilalason niya ang isip ng mga tao sa pagkakalat ng mga kasinungalingan sa social media. Winawasak niya ang tiwala natin sa likas na kabutihan ng tao. Pinaniniwala niyang tayo ay wala nang dapat kapitan kung’di karahasan. Nililinlang niya tayo at ang mga bansa sa pamamagitan ng mga pinunong walang tunay na malasakit sa kapakanan ng tao at ng mga dukha. Hinahagupit tayo sa pamamagitan ng pananakot at panlalait. Winawasak ang mga institusyong pinagbuhusan ng dugo, luha, at pawis ng ating mga bayani.
Pero nawawasak ba tayo? Hindi. Sa totoo lang, parang mas lalo pa nga tayong pinalalakas at pinatitibay ng Panginoon sa gitna ng mga pagsubok. Kahit marami tayong pinagdaraanan na mga pagsubok, buo pa rin ang loob natin; pinatatatag ng pananampalataya, inililigtas ng pag-asa, at pinalalakas ng pag-ibig.
Ang sabi ni San Pablo Apostol sa kanyang 2nd Letter to the Corinthians chapter 4 “Sa aming pangangaral, ginigipit kami sa lahat ng paraan, pero hindi kami nalulupig. Kung minsan kami’y naguguluhan, pero hindi kami nawawalan ng pag-asa. Maraming umuusig sa amin, ngunit hindi kami pinababayaan ng Diyos. Kung minsan sinasaktan kami, ngunit hindi tuluyang napapatay. Lagi kaming nasa bingit ng kamatayan, tulad ng nangyari kay Jesus upang sa pamamagitan ng aming buhay ay makita [at] masaksihan din ang buhay ni Jesus” (cf. 2 Cor. 4:8-11).
Ano ba ang pinaghuhugutan natin ng lakas at katatagan? Ang Eukaristiya. Hindi naman mabubuhay ang tao na walang kinakain, pero sinasabi ng kasulatan, “Man does not live on bread alone, but with every word that comes forth from the mouth of God” (Mt. 4:4). Magugutom tayo kapag hindi tayo kumain sa mesang ito (pointing at the altar table). Ang Eukaristiya, ang Sakramento ng walang hanggan at walang kundisyong pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, inuulit-ulit natin. Inuulit-ulit natin dahil ibinilin ito ni Jesus sa atin. “Do this in memory of me” (Lk. 22:19). “Gawin ninyo ito bilang paggunita sa akin.”
Ano ba ang ginugunita natin? Ang iniwang susi sa atin ng Panginoon: ang susi ng tagumpay – tagumpay sa kasamaan, sa kasalanan, at sa kamatayan. Nakapaloob sa Sakramentong ito ang pinakabuod ng kaligtasan natin, at hindi tayo nahihiyang aminin na naganap ito noong gabing ipinagkanulo Siya. Inuulit-ulit pa nga sa ating panalanging Eukaristiko: “nang gabing ipinagkanulo siya...” Ibig sabihin, ito’y isang hapag ng kataksilan, na ginawang hapag ng patawad at pagkakasundo ng Panginoon.
Hindi lang noon kung’di magpahanggang ngayon, mga kapatid, marami pa ring Judas Iscariote sa ating piling. Namayagpag si Satanas sa paniniwalang natalo niya ang Anak ng Diyos nang maipako Siya sa Krus, na parang kriminal kahit wala naman Siyang kasalanan. Natalo ba? Iyon ang akala ni Satanans. Napakamangmang ng diyablo. Napakasimpleng mag-isip. Akala niya walang kayang iligtas ang Diyos kung’di ang mga mabubuti, mababait, matuwid; at dahil bilang na bilang sa daigdig ang mga matatawag mong “purong kabutihan,” at “purong matuwid,” aba, akala niya, lahat ng naibagsak niya sa pagkakasala ay kanya na. Ang laking pagkakamali niya.
Nang kunin ni Jesus ang kalis at ibinigay ito sa kanyang mga alagad at sinabing “Ito ang dugo ng bago at walang hanggang tipan. Itong aking dugo na ibubuhos para sa inyo at para sa marami...” (Mk. 14:24). Para saan? Hindi Niya sinabing “para sa ikaliligtas ng mabubuti.” Anong sinabi Niya? “Sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.”
Ito ay pag-uulit ng nagyari sa Aklat ng Exodo: The Passover. Ang paglampas ng anghel ng kamatayan sa mga tahanan ng mga Hebreong alipin sa Ehipto, dahil nakita niya ang dugo ng kordero na nakitang nakawisik sa hamba ng mga pintuan. Ang bagong “Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan” ay walang iba kung’di si Kristo (cf. Jn. 1:29).
Sa Eukaristiya, Siya ang tagapagdiwang, ngunit Siya rin ang biktima. Siya ang tagapag-alay, ngunit Siya rin ang handog. Hindi Niya sasabihing “Ipagkakatay ko kayo ng koredero.” Ang sasabihin Niya, “Ako ang kordero. Iaalay ko ang buhay ko para sa inyo. At kung ibig ninyong sumunod sa akin, maging handa rin kayong mag-alay ng buhay para sa kaligtasan, sa katubusan ng sanlibutan.”
Kaya pala ang lakas ng loob ni San Pablo na magpahayag, “Si Cristo Jesus ay naparito sa sanlibutan upang iligtas…” Narinig ba ninyo? Sino raw? Upang iligtas ang mga mababait? Ang matuwid? Ang banal? Hindi! “…upang iligtas ang mga makasalanan” (1 Tim. 1:15).
Alangan naman ang kaya lang iligtas ng Panginoon ay yung banal. Huwag po kayong maniniwala na ang Eukaristiya ay para sa mga banal lang. Sa tingin ko, the more sinful you are, the more sinful we are, the more in need we are of the Eucharist. The Eucharist was never meant to be an exclusive meal for the righteous. It is for sinners like you and me.
Wala namang ka-challenge-challenge ang magligtas ng mga mababait. Ang tunay na misyon ni Kristo, hindi lang pagliligtas kung’di pagtubos – redemption. Ibig sabihin, pagliligtas hindi lang ng mga matutuwid kung’di pati na ng mga makasalanan. At ano ang pantubos Niya? Buhay Niya, katawan Niya, dugo Niya. Ang krus ay hindi na natin dapat tignan bilang isang masaklap na simbulo ng pagdurusa at kamatayan. Ang Krus ay ang pinakamagandang larawan ng pag-ibig – walang hanggang pag-ibig ng Diyos na hindi sumusuko. Handang yumakap kahit magdusa at mamatay.
Kaya pala, “pasasalamat” ang ibig sabihin ng Eukaristiya sa salitang Griyego (εὐχαριστήσας; eucharistēsas). Pasasalamat – pasasalamat sa hindi maampat na grasya. Sa biyayang siksik, liglig, at umaapaw. Ang kaloob na ating tinaggap at ngayon ay dapat naging ibahagi sa kapwa, dahil hindi siya biyaya kapag sinarili lamang natin siya. Kailangan siyang ibahagi sa daigdig. We are gifted to give. We are blessed to be a blessing. Kaya mga kapatid, please lang, magpakatatag tayo. Saan man tayo naroroon sa bansa, o sa iba’t-ibang sulok ng daigdig, makibahagi sa misyon ng pagtubos.
Hindi tayo, kung’di si Kristo ang nagtayo ng Simbahang ating kinabibilangan, at nananatiling buhay bilang Kanyang Katawan. Hindi rin tayo, kung’di si Kristo ang tutubos, kung makikiisa tayo sa Kanyang buhay at misyon. Kaya hangga’t ngayon, nagtitipon pa rin tayo sa kanyang ngalan. “where two or three are gathered together in my name, there am I in the midst of them” (Mt. 18:20). Hindi naman ang gusali ang simbahan, kung’di ang pagtitipon ng mga alagad at sugo ni Kristo. Kahit wasakin pa ninyo lahat ng simbahan sa daigdig, hangga’t may nagtitipon sa ngalan ni Kristo, at nag-aalay ng Eukaristiya, matatag pa ring nakatayo ang Simbahan ni Kristo.
Mga kapatid, patotohanan natin ang ating pagiging alagad at sugo, sa malasakit at pagdamay sa isa’t-isa lalo na sa panahon ng pandemya, malasakit lalo na sa mga dukha, at mga nasisiraan ng loob, at mga nawawalan ng pag-asa. Panindigan naman po natin ang ating pagiging alagad at sugo ni Kristo, lalo na sa ating pagpili ng mga bagong pinuno ng ating gobyerno sa darating na 2022. Ang pagiging Kristiyano ay hindi lang pagdarasal, hindi lang pagdedebosyon sa loob ng simbahan; ito’y pagiging saksi, pagiging instrumento ng pagbabago ng lipunan. Kaya kung hindi natin Siya panindigan kahit sa botohan, baka hindi tayo alagad at sugo.
Hindi po aksidente na ang pandemya, na ang Taon ng Misyon, na ang Taon ni St. Joseph, at ang taon ng paghahanda para sa Election 2022 ay nagaganap sa taong ito, ng Ika-500 Taon ng Pananampalatayang Kristiyano sa ating bansa. Ang pundasyon natin, higit sa lahat, ay ang pag-ibig na walang hanggan na ating pinagdiriwang sa Eukaristiya.
Amen.
コメント