Ang Mahal na Ina, na Nasa Tinikan
- Dominus Est
- Aug 31
- 9 min read
Homily of His Eminence Luis Antonio G. Cardinal Tagle
Pro-Prefect of the Section for the First Evangelization and New Particular Churches of the Dicastery for Evangelization, Grand Chancellor of the Pontifical Urban University, Metropolitan Archbishop Emeritus of Manila
August 22, 2025 | Solemn Declaration of the National Shrine of Our Lady of Aranzazu
Municipality of San Mateo, Province of Rizal, Philippines
Mga minamahal na kapatid sa pananampalataya:
Tayo po ay patuloy na magpasalamat at magpuri sa Diyos. Siya po ang dahilan kung bakit tayo natitipon sa araw na ito. Para po sa ating mga minamahal na obispo, mga kaparian, mga religious, at ang ating mga punong-bayan at lingkod ng bayan: maraming salamat po sa pakiki-isa sa Parokya at sa Dambana ng Nuestra Señora de Aranzazu sa napakahalagang yugto na ito ng kanilang kasaysayan.
Para po sa mga kapatid nating nasa labas ng simbahan, nakatayo doon, nasa ilalim ng payong, “Hi!” (People responds, “Hi!”) Ah, naririnig n’yo pala kami. Huh? Ibig sabihin n’yan hindi kayo hiwalay sa pagdiriwang. Dahil kayo ay nakatayo, kayo ang nakiki-isa sa akin ngayon. Kasi nakatayo rin ako. Ano po? Kayo ang aking mga companions. Yung mga nakaupo, well, bahala na ang Diyos sa inyo (everyone laughs). Marami na pong nasabi mula pa kanina, mula pa nang inanunsyo ang deklarasyon ng pagiging pambansang dambana ng ating parokya, tungkol po sa kasaysayan ng ating debosyon dito sa Bayan ng San Mateo. Ibig ko lang pong magdagdag ng kakaunting pagninilay. Batay rin po sa mga pagbasa.
Mary, our Queen Mother
Una po, maganda ang pagkapili ng araw ng deklarasyon ngayon; dahil po ngayon, ika-22 ng Agosto, ay kapistahan ng ating Mahal na Ina, bilang Reyna ng Langit at Lupa. Noong panahon po nina Hesus, iba’t-iba ang uri ng reyna. May mga queen mother―reyna sila dahil ang anak nila ay hari. Mayroon din naman na queen consort―yung reyna dahil ang asawa niya ay hari. Mayroong iba mga queen regent―mga pansamantala habang ang hari ay naghahanda na maging hari.
Anong klaseng reyna ang Mahal na Ina? Siya ay Queen Mother. Reyna siya, atin Siyang Reyna dahil ang Kanyang Anak ay ang ating Hari. Ang pagkareyna ay nakaugat sa Kanyang pagiging Ina ni Hesus. Putulin natin ang ugnayan na iyon (na hindi naman natin pwedeng putulin), ang Kanyang identidad bilang Ina ay mawawala, at ang Kanyang pagiging Reyna ay mawawala rin. Ang Kanyang pagiging Ina ni Hesus na Siyang Hari ang nagbigay rin sa Kanya ng karangalan bilang Reyna. Kaya po, parang naririnig ko ang Mahal na Ina, sabi niya siguro, “Pinararangalan n’yo ako bilang inyong Ina at Reyna. Well, para maging ganap ‘yon, pumunta kayo sa aking Anak. Siya ang Hari. ‘Pag hindi kayo lumapit sa Kanya bilang inyong Hari, siguro hindi ako ang inyong Reyna.”
Sino ang tunay na nagpaparangal kay Maria bilang Reyna? Yaon lamang kumikilala at sumusunod kay Hesus bilang Hari.
Arantzan Zu at Mga Tinik sa Mundo
Ikalawa po, ibig ko pong balikan itong bahagi ng tradisyon na nagpakita ang Mahal na Birhen, o nakita ng isang pastol na nagngangalang “Rodrigo” ang estatwa, imahen ng Mahal na Ina kasama ang Anak na si Hesus, sa ibabaw ng isang palumpong na puno ng tinik; at ‘yun po ay sa Oñate (Oñati), bahagi ng Basque Region ng España. Ang salita nila doon, yung lengguwahe nila, ‘yung Basque language, at nung nakita raw nung pastol ang Mahal na Ina at ‘yung Anak, doon sa matinik na halaman na mayroon ding mga prutas, ang sabi niya ay, “Arantzan Su?” (or “Arantzan zu?”), na ang ibig sabihin ay “zu”, “ikaw”, “nasa mga tinik?” “Arantzan” = “tinik”; “zu” = “ikaw”, “Ikaw nasa tinik?”. “Hindi ba ikaw ang Reyna ng langit at lupa? Bakit ka nasa tinikan?”
“Arantzan Zu?” (looked at the image) Ayun oh, may mga halaman. Iyon po ang hawthorn―na may mga bulaklak, at mayroon din na prutas na parang berries; at ang mga tinik ay minsan 1 ½ inch, minsan ay umaabot pa po ng 4 inches. Matinik. Bakit naman iyan ang pinili ng Mahal na Ina? “Arantzan Zu?”, “Ikaw nasa tinik?”. (Akala ko nga po, ang ipauupo sa akin na upuan ay matinik. Kung iyon ang plano, eh talagang “Arantzan Zu?” ano ho?) Napakahalagang bahagi po ito ng ating pagkilala sa ating Reyna at Ina. Matatagpuan Siya kung nasaan ang Kanyang Anak. Pati po sa lugar na matinik.
Minsan ang hanap natin ay iyong mga maayos, mga makikinis, mga madadaling puntahan at upuan. Okey naman iyon, hindi naman masama iyon; pero ang Mahal na Ina, kaya, gusto niyang pumunta sa mga dawagan. Mahalagang bahagi po ito, sa tingin ko, sa misyon ng ating dambana. Nasaan ang mga katinikan? At muli nating makita ang Mahal na Ina doon.
Sa Biblia, mayroon pong mga bahagi na ang tinik ay nagiging mahalaga. Ang isa po ay sa Aklat ng Genesis. Pagkatapos magkasala ni Adan at ni Eba, at sila ay nagtatago, ano ang sabi ng Diyos kay Adan? Sabi Niya, “Dahil sa ginawa mo, dahil sa iyong pagsuway sa akin, ang lupa ay isinusumpa” (cf. Genesis 3:17). Ang lupa na dati ay kaibigan ng tao, nagpapakain sa tao, dahil sa kasalanan ng tao, pati ang lupa nadamay. Ano ang bahagi, sabi ng Diyos, “Ang lupa ay magkakaroon ng tinik. Iyan ang aanihin mo” (cf. Genesis 3:18). Kaya ang pagtatrabaho, sa halip na maging kasaya-saya, creative, magiging pabigat; at ang aanihin mo pa ay tinik.
Mahalagang paalaala iyan sa atin. Nangyayari sa Pilipinas at sa ibang bahagi ng mundo: ang lupa ay parang tinik; at iyan ay dahil sa kagagawan ng tao. Mga dating palayan na ngayon ay parang hindi na mamunga-munga, kaunting ulan nagiging mistulang dagat pati ang mga kilalang mga big great metropolitan centers of the world. Gawa yan ng tao―yang tinik. Kapag nawalan ng responsibilidad, kapag namayani ang pagkaganid, nasisira ang lupa, nasisira ang dagat, nasisira ang kalikasan, at ang ating mga trabaho, madadagdagan pa ng kurapsyon, ang bunga: tinik. Pero huwag tayong mabahala. Ang Mahal na Ina, nand’yan.
Naalala n’yo yung kasalan sa Cana, naubusan ng alak. Wow! Malaking kahihiyan yan, doon sa pamilya, lalo na sa nobyo. Pag-uusapan yun ng madla. Sasabihin, “Araw pa lang ng kasal naubusan na ng alak. Anong klaseng asawa yan? Alak pa lang hindi na niya magawa.” Ang Mahal na Ina ang nakakita ng tinik na iyan: kulang sa alak, kulang ang pagkain; at lumapit sa kanyang Anak. Hindi siya. Ang kanyang Anak. Sabi niya sa mga nagsisilbi, “Gawin ninyo ang kanyang sasabihin” (Juan 2:1-11); at umapaw ang alak.
Naalaala ninyo yung mga nakinig kay Hesus, limang libo (Mateo 14:13-21), tapos sabi ng mga apostoles, “Pauwiin na. hindi natin yan mapapakain.” “Ilan ba ang meron tayo?” “Limang tinapay at dalawang isda.” Papaano mo nga naman mapapakain ang limang libo? Pero dahil inialay noong bata, hindi niya ipinagkait, at dumaan naman sa kamay ni Hesus, yung limang tinapay at dalawang isda, dumaan sa mapagpalang kamay, napakain ang karamihan. Kapag tinik na may nagugutom, kailangan natin si Hesus, at kailangan malinis na kamay.
Baligtarin po natin. Limang libong tinapay, at lima lang ang pakakainin. Kapag yung limang libong tinapay dumaan sa mga kamay na matitinik, yung limang tao na iyon magugutom iyon, kahit may limang libong tinapay. Pero kung limang tinapay daraan sa kamay na mapagpala, dadaloy ang biyaya, ang tinik ng kagutuman napawi at sumobra pa.
Isa po sa misyon ng dambana ng Aranzazu, hanapin ang tinik sa ating environment, sa ating lupa, sa ating dagat, na hindi na nagiging mabunga. Magpasama sa Mahal na Ina, lumapit kay Hesus, at makita natin muli ang kasaganahan ng lupa.
[Itutuloy ko pa po ba o tama na ito? Baka sabihin n’yo, “Bishop Stud, ba’t naman si Cardinal pa ang inyong inimbitahan? Puro tinik lang pala ang ipapakita?” Sabi n’yo, “Oo”, meron pa hong dalawang tinik. Ano ho?]
Samu’t-saring mga Tinik sa Buhay
Ang ikalawa ay galing naman kay San Pablo sa kanyang Ikalawang Sulat sa mga taga Corinto. Sabi niya, “Ang anghel ni Satanas ay nagbigay ng ‘thorn in the flesh’,” “Isang tinik sa aking laman” (2 Corinto 12:7). ‘Yon ay ipinakikiusap niya sa Diyos, tanggalin. Ano kaya iyon? Hindi natin alam. Pati po yung mga expert sa Biblia, iba-iba ang interpretasyon. Sabi nila, baka may karamdaman si San Pablo. Sabi ng iba, baka merong parang problema sa pagsasalita si San Pablo. Sabi naman ng iba, siguro yung thorn in the flesh ay ano lang, yung mga limitasyon bilang tao. Sabi ng Diyos kay San Pablo, noong pinamimintuho ni San Pablo, “Paki alis itong tinik”, ano ang sagot ng Diyos, “Ang biyaya ko ay sapat na sa iyo” (2 Corinto 12:9); at naunawaan iyon ni San Pablo. Yung tinik na iyon ay para manatili siyang mapagpakumbaba. Kasi kung wala yung tinik na iyon, yayabang siya. Yayabang siya. Pero yung tinik na iyon, ano ang naging tugon ng Diyos, hindi man maalis yung tinik, pinangako naman ng Diyos, “Ang biyaya ko ay sapat na sa iyo.” Yan…naku po.
Ang mga tinik ng kayabangan, ang mga tinik na “kaya ko lahat iyan”, ang mga tinik na “ako ang pinakamagaling”. Naku! Yang ganyan nagiging tinik din sa iba. Kaya kung meron man tayong tinik na parang limitasyon, ano ho, tignan natin kung ano ang mensahe ng Diyos. Ang Kanyang biyaya ay hindi naman nagkukulang. Bakit ba hindi tayo kuntento sa Kanyang biyaya? Bakit kailangan pa nating lampasan nang lampasan ang Kanyang binibigay? Kaya walang tigil ang paghahanap, walang tigil ang pagkagahaman, kasi hindi pa sapat ang biyaya ng Diyos. Yung ganoong tinik, bagamat masakit, ay may paalaala: umasa ka sa Diyos at sa Kanyang biyaya. Sapat na ang biyaya ng Diyos.
Sa Ebanghelyong narinig natin (Lucas 1:26-38), ang Mahal na Ina, binisita ng anghel at sinabi, “Hoy may misyon ka. Maglilihi ka at ang ipanganganak mo ay Anak ng Makapangyarihang Diyos.” Mayroong tinik. Hindi galing sa Satanas ah. Tinik na limitasyon. Sabi ni Maria, “Papaanong mangyayari yan, wala akong asawa? Hindi ko kaya na maging ina ng ako lang eh. Wala akong asawa. Hindi pwede iyan.” Ano ang sagot ng anghel? “Ang Espirito Santo ang lulukob sa iyo,” at tinanggap ni Maria yung biyaya na higit pa sa kanyang limitasyon, at isinilang ang Manunubos ng mundo.
Yung ilang tinik na gusto nating alisin, baka sinasabi ng Diyos, “Hayaan na muna yang tinik na iyan, kasi para maging humble ka. Baka ‘pag wala na yang tinik na iyan, umaarangkada ka na d’yan sa kayabangan. Inililigtas kita, umasa ka sa biyaya ko.”
Kapag may kakilala po kayo na ayaw tanggapin na sila ay may limitasyon, may mga tinik, paki kalabit ninyo. Sabihin n’yo, “Hoy, may mensahe sa iyo ang Birhen ng Aranzazu.” Ano ho? Puro ka tinik eh. Ayaw mo lang tanggapin eh. Make-up ka nang make-up para magmukhang maganda. Tinta ka nang tinta para mukha kang bata. Ang buhok mo nga ay itim na itim, ang kilay mo naman puting-puti. Sino pa ang lininlang mo? Tanggapin na yang mga tinik na yan, kung uuwi yan sa pag-asa sa Diyos.
Koronang Tinik ni Hesus
Ang ikatlong tinik, ang alam nating lahat: ang koronang tinik ni Hesus. Ito ay sagisag ng pagkukutya kay Hesus. Sa halip na koronang tunay bilang hari, Siya na itinuring na kriminal, ginawaan nila ng koronang tinik, at hinampas-hampas ang ulo Niya, at sinabi, “Ang aming hari!” (Mateo 27:29). Pangungutya.
Pero hindi lamang doon nakaranas ng koronang tinik si Hesus. Hindi nga Siya isinilang sa maayos na bahay, [sa halip] sa sabsaban (Lucas 2:7). Tinik yan sa mga ina na hindi malaman kung saan manganganak, kasi walang pang-downpayment sa klinika, walang pang-downpayment sa ospital. Kaya kung saan-saan [nanganganak]. Tinik yan. Naranasan yan ni Hesus. Pagkatapos ipanganak, pinagtangkaan agad ang buhay Niya ni Herodes (Mateo 2:13-23). Tumakas sila. Isang tinik. Naging refugee si Hesus. Kasama Niyang refugee sina Maria at Jose. Nawala, dose anyos. Namyesta sila, pag-uwi, wala ang bata (Lucas 2:41-52). Nag-iiba na: “Ang bahay ko ay ang bahay ng Ama.” Malaking tinik yan sa magulang, na ngayon ay nakikita ang anak na nakikita na rin ang misyon. Tapos lahat ng panlalait kay Hesus na nakararating kay Maria, tinik yan, hanggang si Hesus ay ipinako sa krus, suot ang koronang tinik. Tumakas ang mga apostoles. Sino ang nanatili doon? Si Maria. Nakikiisa sa tinik ng kanyang Anak.
Ang nangyari sa Oñate, Spain, ay nangyari na noon: si Maria nasa tinik. Lalo na ng kanyang Anak. Kaya naman, sa muling pagkabuhay ni Hesus, si Maria ay Kanyang isinama―iniakyat sa kaluwalhatian ng langit.
A Call to Mission
Ang tinik ng pakikiisa kay Hesus ay paanyaya sa atin. Sana po, ang ating dambana, tumulong, lalo na sa mga magulang na naghahanap kung papaano nila isisilang ang kanilang anak, papaano nila palalakihin nang maayos. Sana matulungan natin yung mga refugees, mga walang matuluyan, yan ang mga tinik na pinagdaanan ni Hesus. Tulungan natin ang mga ina na hanggang ngayon ay hinahanap ang kanilang mga anak, na hindi nila alam kung nasaan: dinakip ba, pinatay na ba?
Kapag nandun tayo, baka magulat ang mga tao, “Di ba taga San Mateo ka?”, “Di ba taga Parokya ka ng Aranzazu? Bakit ka nandito? Bakit nandito ka sa mga tinik-tinik ng buhay namin?” simple lang ang sagot: nandoon ang Mahal na Birhen. Nandoon ang kanyang Anak. “Arantzan Zu!”

Transcribed by Joel V. Ocampo
Photos by: Aranzazu Shrine Social Communications
Comments