top of page
Search

Mga Tanong Ukol sa AI

ni Fr. Earl Valdez


Ito ang binigay sa aking imahen ng Microsoft copilot noong nagbigay ako ng prompt command na lumikha ng isang imaheng magpapakita ng AI network
Ito ang binigay sa aking imahen ng Microsoft copilot noong nagbigay ako ng prompt command na lumikha ng isang imaheng magpapakita ng AI network

Pinlano kong isulat ito bilang isang munting pambungad sa pananaw ng Simbahan ukol sa kakayahan at impluwensiya ng artificial intelligence o AI (hindi yata angkop, bagama’t hindi mali, na isalin ito sa Filipino bilang “artipisyal na katalinuhan,” na siyang ibinigay sa aking mungkahi ng aking Microsoft Copilot AI) sa pamamagitan ng nilalaman ng Antiqua et Nova (na maaaring isalin sa Filipino bilang “Luma at Bago”),[1] ang kalalabas lamang na paalala (o Nota, sa salitang Latin, na ang literal na ibig sabihin ay mga siping nagbibigay-paliwanag) .


Subalit naisip ko na mas kailangan yatang maging malay tayong lahat sa kung gaano kalaki na ang impluwensya ng patuloy na paglago ng teknolohiya ng AI sa ating mga buhay, sa mga paraang hindi tayo gaanong malay. Sa ganitong paraan, mas malilinawan tayo tungkol sa mga pagbabagong dala nito hindi lamang sa ating araw-araw na pamumuhay, kundi pati na rin sa ating pananaw at pananampalataya.


Dahil dito, minabuti kong bigyang pansin ang ilang mga aspektong ito sa pamamagitan ng pagsagot ng mga karaniwang tanong tungkol sa paggamit ng AI. Malay din akong sakop ng pag-aaral at pag-unawa sa AI ang mga termino at konseptong teknikal na hindi natin kayang maipaliwanag sa iilang mga salita lamang. Kaya kalakip din sa ating usapan ang ilang mga babasahin o media na maaaring isangguni; at higit sa lahat, bibigyan din natin ng diin ang ilang mga punto mula sa Antiqua et Nova na makatutulong sa ating pagninilay at pagsasaliksik. Subukan nating sumagot ng isa at maaaring makatanggap pa tayo at makapagnilay sa ilang mga tanong na may kinalaman dito.  


Tila bang nagiging usapin na ang AI ngayon. Ano ba ang epekto nito sa buhay ko? 


Imahe mula sa Redress Compliance
Imahe mula sa Redress Compliance

Marahil kung hindi ka estudyante o nagtatrabaho sa isang kumpanyang kailangan ng pagtatrabaho gamit ang internet, hindi mo pa siguro napapansin ang pag-usbong ng iba’t ibang programa na maaaring ipagawa ang lahat ng maaaring gawin at itanong lahat ng maaaring itanong: ChatGPT, Google Gemini, Microsoft Copilot, bilang mga halimbawa. Sa mga programa o application na ito, na maaaring mabuksan sa ating mga cellphone at computer at lumalabas bilang isang command prompt program. Ibig sabihin nito, maaari kang magpasok ng kahit anong tanong at pahayag at magbibigay ito ng mga sagot na, ayon sa kanyang algoritmo, siyang makatutugon sa iyong pangangailangan.[2] 


At kapag sinabing lahat, malaki ang sakop nito, mula sa pagsagot ng mga simpleng tanong, hanggang sa paggawa mismo ng isang artikulo at sanaysay tungkol sa isang bagay. Kaya rin nitong magsalin ng isang teksto sa pipiliin mong wika, magbigay ng mungkahi sa kung paano ka magsisimula sa isang proyekto, o kahit ayusin at magbigay ng mungkahi sa kung ano ang dapat mong unahin. Ganito kalawak ang kakayahan ng mga programang ito, na kung saan marami sa karaniwang ginagawa natin sa buhay ay kaya na nating iasa sa mga programang ito. Hangga’t makikita ang impormasyon sa internet, ibibigay ng AI ang sagot sa iyong mga tanong, kalakip ng siyang mga sinangguning impormasyon nito.


Isang halimbawa ng paggamit ng AI kung saan nagiging pamamaraan ito upang gumawa ng plano para sa mga gawaing kailangang matapos. Imahe mula sa Saga
Isang halimbawa ng paggamit ng AI kung saan nagiging pamamaraan ito upang gumawa ng plano para sa mga gawaing kailangang matapos. Imahe mula sa Saga

Subalit bukod sa mga ito, kung tutuusin, mas marami tayong karanasan sa AI sa pamamagitan ng social media, kung saan, lingid sa kaalaman ng marami, ay tumatakbo sa tulong ng mekanismo at logaritmo ng AI. Kung may account ka at kabilang sa kahit anong social media platform, kabilang na lahat ng datos na nilalagay mo roon: mga post, larawan, pangyayari, at datos na personal (kabilang ang iyong pangalan, kaarawan, at e-mail address at numero ng telepono) sa server ng mga platapormang ito. At bagaman may mga bagay sa mga ito na, ayon sa pinagkasunduan sa Terms and Conditions na iyong sinang-ayunan sa paglikha ng account sa social media (naalala mo pa ba ito?), na hindi gagawin publiko, ihuhugis ng plataporma ang iyong karanasan sa pagtingin ng datos at paghahanap ng impormasyon ayon sa iyong pinapasok na datos.[3]


Sa madaling sabi, mas makikita mo ang mga bagay na malapit o may kinalaman sa mga inilalagay mong datos sa social media. Kung mahilig ka sa pagkain, malamang may mga advertisement, mga post, at mga reels na lilitaw tungkol sa pagkain. Kung sa paglalakbay naman, asahan mo nang makita ang mga posts at reels ng mga influencer sa iyong social media. At kung may mga napag-usapan kayo sa social media tungkol sa iyong trabaho, sa inyong kalagayan sa buhay, o sa iyong opinyon tungkol sa pulitika at mga pangyayari sa araw-araw, hindi malayong mas lalabas sa iyong social media ang lahat ng may kinalaman sa mga napag-usapan ninyo.


Larawan mula sa Sprout Social
Larawan mula sa Sprout Social

Isa itong aspekto ng AI na kung saan nakikita ito at nararanasan bilang “matalino.”[4] Naka-programa ito sa pamamagitan ng paglikom ng datos na ipinapasok ng isang tao hanggang sa pinakamaliit na detalye, ipoproseso ito, at magmumungkahi ng iba’t ibang bagay na may kinalaman sa datos na nalikom tungkol sa iyo. At hindi lamang iyan sa mga post na inilalagay mo sa social media. Kasama rin sa konsiderasyon nito ang personal mong datos (pangalan, kaarawan, mga larawan sa profile, atbp.), mga oras na kung kailan ka bumibisita sa social media, at pati ang mga pahina at kaibigan na iyong binibisita at nilalagyan ng like at comment


Base sa mga impormasyong ito, magdidisenyo ang AI ng isang “karanasan” kung saan kapag titingan ka sa iyong social media app o account, mas madalas mong makita ang mga bagay kung saan ka interesado: mga post ng kaibigan o ng mga pahina o account na iyong sinusundan, mga bagay na ayon sa iyong interest, at mga bagay na sasang-ayon ka. Siyempre, kasama rito ang ilang mga patalastas (advertisements) na may kinalaman sa iyong mga interest. 


Ginawa ang imaheng ito ng Microsofrt Copilot bilang pagsasalarawan ng proseso ng replication sa social media kung saan nag-iisip nang pare-pareho ang bawat gumagamit dito.
Ginawa ang imaheng ito ng Microsofrt Copilot bilang pagsasalarawan ng proseso ng replication sa social media kung saan nag-iisip nang pare-pareho ang bawat gumagamit dito.

Sa madaling sabi, ikaw ang sukat ng mundong iyong ginagalawan, at kung hindi ka malay dito, maaaring isipin mong ito lamang ang iyong mundo, at dito rin iikot ang mga opinyon at palagay mo; at higit na seryoso, maaaring maisip mong ito lang ang mundo na dapat mong galawan kung saan dedepende ang lahat ng bagay sa iyong buhay, kahit na yaong nasa labas ng social media


Isa lamang ito sa maraming mga paraan kung paano unti-unting nababago ang ating pamumuhay at pag-iisip ng AI, subalit higit na makatutulong ang kamalayan nito upang maging mas matalino ang ating paggamit nito. 


[1] Sa aking pagsangguni sa ilang bahagi ng Antiqua et Nova, gagamitin ko ang mga titik na AN kasama ang bilang ng talata kung saan maaaring sumangguni ang magbabasa.

[2] Tignan: AN 31

[3] Maaaring pagnilayan ang AN 53 para rito.

[4] Tignan ang pagbibigay diin ng pag-unawa sa katalinuhan ng AI sa AN 34 



Comments


dp.png

© Dominus Est Philippines 2019

Thanks for submitting!

bottom of page