top of page
Search

Ang Lakbayin ng Isang Mag-aaral sa Gitna ng Pandemiya

ni Kenan Gawaran


Sariwa pa sa isip ko ang mga oras sa’king huling gabing “normal.” Nasa dormitoryo ako noon, Lunes ng gabi. At marahil katulad ng mga ordinaryong estudyante noong gabing iyon, sa gitna ng kaliwa’t kanang balita tungkol sa mumunti-munti datapwa’t bumibilis na tala ng mga nagpa- positive sa COVID-19 sa bansa, pakunwari akong naghahanda para sa mga aralin sa kinabukasan – datapwa’t walang ibang inaasahan sa isip kun’di ang anunsiyo ng suspensiyon ng klase. Pamilyar pa rin sa tainga ko ang pansamantalang hiyawan sa buong dormitoryo ilang segundo matapos dumating ang pinakahihintay na balita. Malinaw na hindi namin batid ang mga susunod pang mangyayari. Kinabukasan, agad akong sinundo ng aking mga magulang mula sa Quezon City upang iuwi sa amin sa Cavite. Isasarado raw kasi ang kalakhang Maynila dahil sa lumalalang pandemiya.


Sa pagkakataong iyon marahil may kaunting bagabag, pag-aalala, at katanungan sa loob ko: hanggang kalian kaya ito?


Pero may agarang pagkumbinsi: hindi naman siguro magtatagal.


ANG MGA ARAW BAGO ANG MAHAHABANG GABI

Ako si Kenan, first year college student. Napakaiksi pa lamang kung tutuusin ng oras na inilalagi ko bilang mag-aaral sa kolehiyo. Unang taon ko pa lamang, at kagyat nang umiksi ang dapat sana’y mahaba-haba pang oras ko na ilalagi rito dahil sa pandemiya.

“Hanapin ang Diyos sa lahat ng bagay”— ito ang natatandaan kong parating turo sa amin ng mga Heswita sa pamantasan. At sa pagbabalik-tanaw ko sa bawat araw na “normal” pa ang lahat, masasabi kong sa grasya ng Diyos ay hindi naman Siya mahirap makita sa aking mga gawain.


Madali Siyang masumpungan sa tuwing binabalot ako ng pagkamangha sa mga bagong-aral na natututuhan ko mula sa’ming propesor sa tuwing ako’y nasa klase. Nasusumpungan ko Siya sa tuwing may kaklase akong handang damayan ako kapag may hindi ako maunawaan sa lecture, o kung may makasalubong akong kaibigan na kakaway at babati sa akin ng may buong galak. Nasusumpungan ko rin Siya sa ideyalismo’t dedikasyon ng mga kapwa ko mag-aaral sa tuwing may pagpupulong sa mga organisasyon.


Sa araw-araw na buhay-estudyante, madaling masumpungan ang pagkilos ng Diyos kapag nakikita ko mismo ang Kanyang mukha sa mga taong nakakadaupang-palad ko, ang Kanyang tinig sa mga salitang binabasa’t pinag-aaralan ko, at ang Kanyang kamay sa pagkakawanggawa ng aking mga kamay bilang estudyante, ng aking mga magulang na nagpapagal para maipadala ako sa pamantasan, at ng mga kapwa-estudyante na siyang kalakbay ko sa pagkatuto. Sa bawat bagay na ating pinagkakaabalahan na nililikha ng mukha, tinig, at kamay ng Banal na Espiritung sumasa-atin, nagkakaroon ng kahulugan ang bawat oras. Pagkakatapos ng mahabang araw, masasabi ko nang may kapanatagan na “sulit ang mga oras,” sapagkat ang maiiwan sa’king gunita ay kung paano naging produktibo ang nagdaang araw sa paaralan.


Subalit pagpasok ng quarantine, hindi na naging madali ang makasumpong ng kapanatagan at kapakinabangan sa bawat oras na tumatakbo. Sa kabila ng kahabaan ng oras, kung minsan tila nananatili na lamang itong mga numerong walang kwalitatibong kahulugan. Lumilipas at tumatakbo nang wala sa’ting kamalayan.


Tila huminto ang lahat. Sa kabila ng mass promotion ay may puwang sa loob kong hindi mapunan-punan ng pagkakampante. Dahil mula sa maingay, aktibo, at maliwanag na mundo ng Ateneo, narito ako’t nakapirmi sa loob ng bahay.


Paano ko ngayon hahanapin ang Diyos rito?


Tila nararamdaman ko ang pagkabagabag at siguro pagka-dismaya pa nga ng mga apostol matapos hulihin, patayin, at ilibing si Hesus. Bago ito, ang nagbibigay kahulugan sa kanilang pagkatao marahil ay ang kanilang pagiging “estudyante” katulad ko—ang abang pagkatuto at pakikibahagi nila sa pampublikong gawain ng kanilang Guro. Naroon sila parati kasama ni Hesus sa mga lansangan, kung minsa’y nasa kaburulan, o di kaya nama’y nasa dalampasigan. Sa lahat ng oras na ito’y nasusumpungan nila ang kadakilaan ng Panginoon, ang mismong mukha, tinig, at kamay Niya sa bawat pagkakataon ng pangangaral, pagpapagaling, at pagsasalo-salo. Ang bawat oras ay mistulang bagong araw na tigib ng umaapaw na kahulugan.


Subalit ang mga sumunod na araw pagkatapos ng kamatayan ni Hesus sa krus ay tila mahahabang gabi, kung kalian wala nang gumagawa (Jn 9:4). Tapos na ba ang mga himala? Ang mga pagsasalo-salo? Nakapinid ang pintuan ng mga alagad dahil sa takot. Silang noo’y parating kumikilos sa kanayunan ng Galilea, ngayo’y walang ni isa mang nangangahas na lumabas. Naghihintay sa walang kasiguraduhan. Nagtatanong rin marahil, katulad natin ngayon: paano ko hahanapin ang Diyos rito?


ANG PAGHAHANAP KAY HESUS SA MABAGABAG NA PAGLALAKBAY

Sa puntong ito, naalaala ko ang isang tagpo sa ebanghelyo ni San Lucas matapos ang pasko ng muling pagkabuhay.


Habang naglalakad ang dalawang alagad patungong Emmaus, narinig sila’t sinabayan ni Hesus na noo’y muli nang nabuhay, subalit hindi nila Siya nakilala. Ikinwento nila sa Kanyang wari nila’y isang estrangherong manlalakbay ang kanilang pagkadismaya at pagkabagabag sa nangyari sa kanilang Panginoon: “Siya pa naman ang inaasahan naming magpapalaya sa Israel” (Lk 24:21a). Subalit pasuwat silang pinagsabihan ng estranghero: “Hindi ba kayo makaunawa?” at ipinangaral Niya sa kanila ang kasulatan, mga batas, at mga hula tungkol sa Kanya (25-27). Sa huli’y inanyayahan na lamang nila Siya na tumuloy na sa kanilang tahanan. Doon, nang sila’y nakaupo na sa hapag upang maghapunan, nasaksihan nila kung paano Siya “dumampot ng tinapay, nagpasalamat sa Diyos, pinagpira-piraso iyon, at ibinigay sa kanila.” Noon rin, “nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila si Hesus” (30-31).


Napakaraming mapupulot na kahulugan mula rito na akma sa kasalukuyang sitwasyon.


Una, wala naman pala talaga sa atin ang responsibilidad na hanapinang Diyos, sapagkat Siya ang likas at kusang naghahanap – saan ma’t kailan man; handa ka man o hindi.


Marahil sa pagkakataong ito ng pandemiya sinadya ng Diyos kahit papaano na putulin ang ugnayan natin sa mga pang-araw-araw na mga nakasanayan na nating gawain, at siyang nagdidikta na rin halos sa kahulugan ng ating pag-iral. Katulad ng Kanyang mga alagad, niloob Niya marahil na balutin tayo ng pagkadismaya, mabulid sa pagkalumo at sa pagkatantong wala tayong magawa, upang ipakita sa atin na hindi sa gawa lamang ng ating mga kamay nakasalalay ang pagpapatuloy ng Kaharian ng Diyos. Ang Diyos – na sa simula pa’y likas nang manlilikha at tagapagligtas – ay patuloy na gumagawa. Sa gitna ng pandemiya, patuloy na pinagpapanibago ng Diyos ang mukha ng mundo, at hinahanap ang mga taong Kanyang hinirang.


Ikalawa, hindi rin natin kailangang hanapintalaga ang Diyos sapagkat hindi naman Niya tayo kailanman nililisan.


Damang-dama kung gaano katotoo ang pangungulila ng dalawang alagad sa kanilang mga pananalita. Ang kakulangan ng karanasan ng pag-ibig ang dahilan kung bakit sa kanilang kamalayan ay naging “estranghero” ang Panginoong kasa-kasama na nila. Sapagkat ipinahayag ni San Juan sa kanyang unang sulat: “ang nagpapatuloy na umibig ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos ay nananatili naman sa kanya” (1 Jn 4:16c). Kung gayon, bagama’t binabalot tayo ng bagabag, nananatili sa atin ang Diyos kung malay lamang tayo sa mga taong patuloy na umiibig sa’tin at kasa-kasama natin ngayon araw-araw: ang ating pamilya.


Sa mukha ng aking mga magulang at kapatid, sa kanilang tinig, sa patuloy na pagpapagal ng kanilang mga kamay, nananatili ang Diyos ng pag-ibig. Sa aming sabay-sabay na pagsasalo-salo, sa aming sabay-sabay na pagrorosaryo, sa aming sabay-sabay na paggawa ng mga gawaing bahay, nasusumpungan ko ang pag-ibig ni Kristong muling nabuhay. Dahil at sa pamamagitan ng nagbibigkis na pag-ibig ni Kristo sa aming mag-anak, ramdam kong hindi ako nag-iisa. Ramdam nating hindi estranghero ang ating mga kasama.


Ikatlo, dahil hindi naman Siya umaalis sa’ting tabi, ang bawat oras kung gayon na kapiling Siya ay may likas na kahulugan.


Hindi alintana para sa dalawang alagad na patungong Emmaus ang kanilang kawalang- kakayahan na makilala si Hesus upang maunawaan nila ang Kanyang kahulugan. Sa daan, patuloy na nangangaral si Hesus at patuloy silang nakikinig. Patuloy na sinisilayan ng Kanyang kahulugan ang diwa ng mga alagad, hindi man sila malay.


Dahilan sa pandemiya ay tila ipinagkait sa akin ang mga bagay na nagdidikta ng aking kahulugan bilang mag-aaral: ang klasrum, mga gawang-papel, ang aking mga grado. Kung ito ang pagbabatayan, tila nawala ang kahulugan ng aking pagiging estudyante.


Subalit may isa pang aral parati ang mga Heswitang naaalala ko: sa paghahanap sa Diyos sa lahat ng bagay, alalahaning masusumpungan Siya kahit, o kung minsan pa nga’y lalo’t higit sa pinakamaliliit na bagay. Sa kung paanong pinagsasabihan ni Hesus ang mga alagad patungong Emmaus dahil pinanghihinaan sila ng loob, tinuturuan rin pala ako ni Hesus sa bawat maliliit na bagay na ginagawa ko ngayon bagama’t wala sa pamantasan. Tinuturuan Niya akong wala sa paaralan ang monopolyo ng kahulugan. May kahulugan sa pagwawalis, sa pag-aalaga ng halaman, sa pagpapaligo ng aso, sa paghuhugas ng plato, at sa pagtulong at pagdamay sa mga nangangailangan sa abot ng makakaya. Dahil sa bawat bagay na ginagawa ng may pag-ibig, naroroon Siya’t kasa-kasama – nagbibigay ng mabathalang kahulugan.


Sa daan ng kawalang-kasiguraduhan, ang Diyos ang kusang naghahanap, hindi tayo kailanman nililisan. At ang bawat oras sa piling Niya ay may likas na kahulugan.

NASAAN SI HESUS PAGKATAPOS NG LAKBAYIN?

Subalit hindi natapos sa daan ang pakikipag-usap ni Hesus sa panahon ng pandemiya. Katulad ng dalawang alagad, mas konkretong nagpakilala si Hesus sa isang partikular na gawa na Siyang- siya at Kanyang-kanya: ang paghahati at pagbabaha-bahagi ng tinapay. Ito ang nagbukas sa mata ng mga alagad upang makilala nila si Hesus (Lk 24:31), at siyang nag-udyok sa kanila upang “agad na tumayo at bumalik sa Jerusalem” upang ipamalita ito sa kanilang mga kasamahan (33).


Maraming nagsasabing napakapalad naming mga nakapakinabang sa mass promotion. Kung tutuusin, pwede ko nang kumbinsihin ang sarili kong mapanatag sa katotohanang ito. Siyang tunay, ipinagpapasalamat ko sa Diyos ang desisyon na ito ng aming pamantasan na tahakin ang pinakamakatao at pinakamakatarungang hakbang sa panahong ito.


Subalit hindi maaaring matapos doon.


Batid ng dalawang alagad sa Emmaus na hindi sapat na sila lang ang makaalam na muling nabuhay ang Panginoon. Ang kagyat nilang pagtayo at pagbalik sa Jerusalem kung saan naroroon ang kanilang mga kasamahan ay pagpapatotoo na ang liwanag ni Kristong muling- nabuhay ay hindi lamang para sa iilan, bagkus niloob ng Diyos na sumilay para sa lahat.


Bilang mag-aaral sa kursong Political Science at lalo’t higit bilang Atenista na parating tinuturuang maging “men for others,” awtomatiko’t inaasahan na marahil sa aking maging “hindi normalsa ganitong panahon; ang matanaw ang higit na katotohanang umiiral sa lipunan na umiigpaw sa kayang abutin ng pribilehiyo ng aking mga mata. Batid kong hindi ako dapat mapanatag sa katotohanang ito, dahil ang makataong edukasyon kailanman ay ‘di dapat na pribilehiyo para sa iilan, kun’di – katulad ng liwanag ng Diyos – karapatan para sa lahat ng batang lubos na minamahal Niya. Ang responsibilidad ng pagiging mag-aaral ng pulitika at ni San Ignacio de Loyola na nasa estado ng pagkamulat ang siyang nag-aatang ng isang responsibilidad sa akin para tuwirang ilapat ang aking edukasyon sa realidad ng kasalukuyan – isang edukasyon na ang pedagohiya ay lumalabas sa mga pahina ng mga libro at sa mga takda ng teorya na itinuturo sa pamantasan, bagkus humaharap sa konteksto, dinaranas ito, pinagninilayan, kumikilos, at hinahanapan ng kahulugan.


Pagkatapos ng pribilehiyong makatagpo at matuto mula kay Hesus sa daan katulad ng dalawang alagad, batid kong pananagutan kong “tumayo at bumalik sa Jerusalem” upang ipahayag ang Mabuting Balita – si Kristo Hesus, ang pag-ibig ng Diyos na muling nabuhay at naghahari sa mundo, lalo’t higit sa “mga dukha, nahahapis, nagugutom at nauuhaw sa katuwiran” (Mt 5:3- 12).


Sa huli, napagtanto kong ang nararapat at pinakamakahulugang pagkilos na inaasahan sa atin sa panahon ng pandemiya at sa “bagong normal” ay ang pinaka-konkretong halimbawang isinagawa ni Hesus sa Emmaus: ang paghahati at pagbabahagi ng tinapay.


Nasaan ngayon si Hesus?


Sa isang mag-aaral na katulad ko, napagtanto kong wala lang Siya sa pamantasan. Ngayon, nagtuturo Siya sa mas malaking klasrum: sa tahanan, sa bayan, sa mundo, at sa magkakaugnay na loob ng bawat tao.

Loobin nawa ng Espiritu Santo na sa’ting sama-samang paglalakbay ay matagpuan natin ang kahulugan ni Hesukristong muling nabuhay sa bawat pagbabahagi ng tinapay.

Nang sa gayon, kapag natalos natin ang pag-ibig sa bawat mukha, tinig, at kamay ng mga estrangherong kasama sa paglalakbay ay makilala natin Siya, at buong pananampalataya nating masambit:


Dominus est – Siya nga ang Panginoon! (Jn 21:7)


*Si Kenan Gawaran ay nag-aaral ng Agham Pampulitika sa Ateneo de Manila University. Isa rin siyang miyembro ng Ateneo Student Catholic Action (AtSCA).






336 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page