Homily of His Eminence Jose F. Cardinal Advincula
Mass for the Twenty-ninth Sunday in Ordinary Time and
on the Occasion of the Blessing of the Retablo and Unveiling of the Parochial Coat of Arms
Sto. Rosario Parish Malusac, Sasmuan, Pampanga | October 15, 2022
Maligayang kapistahan po sa inyong lahat! Masaya po ako na makasama kayo sa araw na ito, sa pagdiriwang ng kapistahan ng Mahal na Birhen ng Santo Rosario dito sa Malusac, Sasmuan, Pampanga. Napakaganda po ng inyong lugar. Parang bumalik ako sa probinsya. Kasi, galing po ako ng Capiz at meron din po akong isang isla na isang mission station, o para na ring Parokya. Kaya parang at home po ako dito sa inyo sa Malusac, Pampanga. Napagigitnaan po tayo ng fish pond, kagaya ng probinsya kung saan ako nangggaling.
Sa pamamagitan ng Santo Rosario, tinuturuan tayo ni Maria na manalangin at magtiyaga, at maging tapat sa ating buhay panalangin. Sa maraming niyang pagpapakita, ilang beses niya itong ipinaalala. Sa Lourdes at Fatima, tangan niya ang rosaryo, na animo’y tinuturuan pa ang mga bata kung paano ito dasalin. Kaya naman nasabi minsan ni Papa Francisco, “Ang rosaryo ay eskwelahan ng pagdarasal. Ang rosaryo ay eskwelahan ng pananampalataya.”
May ilang bagay na itinuturo si Jesus sa panalangin sa atin. Ang sabi niya, huwag tayong gagaya sa pananalangin ng mga Pagano. Gumagamit sila ng maraming salita (cf. Mt. 6:7). Tila ba tinuturuan nila ang Diyos sa panalangin. Tila ba ang layunin ng panalangin ay himukin o kumbinsihin ang Diyos, o hikayatin ang Diyos na sumang-ayon sa panukala o plano natin. Tila ba ang layunin ng panalangin ay baguhin ang isip ng Diyos.
In prayer we do not deal with a God whose mind we change. Rather, it is God who transforms us in prayer. When we pray, our hearts are transformed.
Ang Diyos ang siyang nagpapabago sa atin sa panalangin. Kung tayo ay nananalangin, tayo ay hinihipo ng Diyos, at tayo’y nagbabago. Ang ating puso ay nag-iiba. Sa ikalawang pagbasa, ang bunga ng pagtuon at pagbaling sa Diyos ay kabutihan. Nagiging mabuti tayo, nagiging banal, tila nahahawa tayo sa kabutihan at kabanalan ng Diyos.
Ikalawa, pinapalalim ng madalas na panalangin ang relasyon natin sa Diyos. Sa pananalangin, kailangan ang paglalaan ng panahon. Sino man ang madalas na napaglalaanan natin ng panahon ay nagiging malapít, at nagiging malapit sa ating puso. Natutuan natin ito sa librong The Little Prince na nagsabing, “Tutubo lamang ang isang relasyon kung ang isa ay handang magsayang ng panahon para sa minamahal, at maggugol ng panahon para sa minamahal.”
Ikatlo, masaya tayo kapag tumutugon ang Diyos sa ating mga panalangin; ngunit mas dapat nating ikasaya kung tayo ay nagiging tugon sa panalangin ng ating kapwa.
Ang Mahal na Birhen ng Santo Rosario, ang Patrona ng inyong Parokya, noong nagkaroon ng tunggalian ang mga Kristiyano ang mga Muslim na Turko sa Lepanto, nagwagi ang mga Kristiyano. Sinasabing ang pagwawaging ito ay dulot ng pagdarasal ng Santo Rosario ng mga Kristiyano sa Roma.
Mapagwawagian natin ang lahat ng tunggalian sa buhay sa kapangyarihan ng panalangin.
Kahit kailan at saan ay maari tayong magdasal ng Santo Rosario. Ang araw-araw na pagsambit nito ay humuhulma sa ating puso, para sa Diyos at kapwa. Maari natin itong dasalin para rin sa intensyon ng ibang tao, ng Simbahan, at ng mundo; at ito ay magagawa ng sama-sama bilang komunidad at pamilya.
Bagamat naiuugnay natin ang pagdarasal ng rosaryo kay Maria, agad niya tayong itinutuon sa kanyang Anak na si JesuKristo. Kung taimtim nating pagmumunihan ang Misteryo ng Tuwa, Hapis, Luwalhati, at Liwanag, matatanto natin na ang lahat ng ito’y patungkol kay Jesus. Kaya naman, minsan, nasabi ni Pope Paul VI, “The Rosary is the compendium of the entire Gospel” (quoting Pope Pius XII). Hindi nais ni Maria na maging bida. Nais niya na ang kanyang Anak na si Jesus ang ating pagtutuunan ng pansin at makilala. Ito ay totoo, hindi lamang sa pagdarasal ng rosaryo, kung’di pati sa kanyang buong buhay. Kinilala ni Maria ang kanyang sarili bilang isang hamak na alipin lang ng Panginoon. Kaya naman nasabi niya sa mga taga Cana, “Gawin ninyo ang anumang sabihin niya sa inyo” (Jn. 2:5). Ang kanyang Magnificat ay hindi pagtataas sa kanyang sarili, kung’di pagtutuon at pagpupuri sa Diyos, para sa mga dakilang gawa Niya sa buhay ni Maria at sa Bayang Israel. Kaya tuwing tumatawag tayo sa ating Mahal na Ina, sa ating pagdarasal ng rosaryo, hayaan nating maging tulay natin siya sa kanyang Anak.
Ang pag-akyat sa kanya sa langit at ang kanyang koronasyon bilang Reyna ng langit at lupa, ay tumutukoy sa pagkilala, pagkalugod, at gantimpala ng Diyos sa kanyang katapatan. Bagamat marami siyang pinagdaanang mga misteryo ng hapis sa kanyang buhay, ngayon ay tinatamasa niya ang walang katapusang kaganapan ng buhay, pag-ibig, at kaligayahan sa langit.
Mga kapatid, ito ay mabuting balita rin para sa atin: na maging matatag at matapat sa buhay sa lupa, na magtiwala at sumandal sa karunungan at plano ng Diyos, at na laging alalahanin na hindi Siya madadaig sa kabutihang loob.
Lahat ng tumutulad kay Maria, na nagdadala ng liwanag at tuwa sa mga taong matagal nang lumalakad sa kadiliman at binabalot ng dilim, lalo na sa mag abà, kapus-palad, at may mabibigat na pasan, ay may puwang sa langit.
Kaya’t sa pagpapatuloy ng ating pagdiriwang, hingin natin ang biyaya na maging tapat sa pagdarasal ng rosaryo araw-araw, ngayong buwan, at sa mga susunod pang buwan. Upang tulad ni Maria, lumalim ang ating pananampalataya, sa pamamagitan ng mas maigting na pagkilala sa kanyang Anak na si Jesus, patungo sa gantimpala ng langit. Amen.
Transcribed by Joel V. Ocampo
Комментарии