Homily of His Eminence Luis Antonio G. Cardinal Tagle,
Pro-Prefect for the Section of Evangelization of the Dicastery for Evangelization
August 27, 2022 | Memorial of St. Monica
Diocesan Shrine and Parish of Our Lady of the Pillar - Imus Cathedral
Mga minamahal na kapatid sa Panginoong Hesukristo, tayo po ay magpasalamat sa Diyos na Siyang nagtipon sa atin bilang isang sambayanan sa Sabadong ito, paggunita kay Santa Monica; at atin din pong pagpaparangal sa ating mahal na Ina, Birhen del Pilar.
Maganda po ang mga pagbasa sa araw na ito. Hayaan n’yong magbigay ako ng ilang punto. Ang una po: sabi sa Ebanghelyo, ang paghahari ng Diyos ay maitutulad sa isang tao na maglalakbay pero iniwanan ang kanyang ari-arian sa mga alipin─ipinagkatiwala. Kilala niya ang kakayanan ng bawat isa kaya ipinagkatiwala niya sa bawat isa ang bahagi ng kanyang ari-arian, ayon sa kakayanan ng alipin. Ang bawat nakatanggap ay katiwala─steward. Iyan po ang unang punto.
Lahat po tayo ay may natanggap sa Panginoon. Siguro talino, talento, ‘yung iba ay may kayamanan. ‘Yung iba ay mayroong magandang pigura, hinahabol ng mga binata sa ganda ng mukha. ‘Yung iba nama’y hinahabol ng mga dalaga dahil punung-puno ang bulsa. Bawat isa may natanggap eh. Lahat tayo nakatanggap ng panahon; isang biyaya yan. Pero hindi tayo ang nagmamay-ari. Tayo ay katiwala.
Minsan sumasagi sa isip natin, “Ako ang may-ari. Akin ito, kaya ako ang masusunod.” “Kung ano ang gusto kong gawin dito, gagawin ko.” O kaya, “Kung ayaw kong gamitin iyan, hindi ko rin gagamitin iyan, kasi akin naman.” Hindi po. Kung tutuusin, wala tayong pag-aari. Lahat tayo ay katiwala, at ang katiwala dapat masipag at mapagkakatiwalaan. Ibig sabihin, aalagaan niya ang natanggap niya para maayon sa kagustuhan ng tunay na nagmamay-ari: ang Panginoon; at maging kapaki-pakinabang sa sambayanan. Bawat talento, bawat kakayanan, bawat pag-aari ay ipinagkatiwala sa atin para magamit, mapayabong, sa paghahari ng Diyos, at ikabubuti ng lahat: common good. Kaya alisin na natin sa ating isip ‘yung “Ako ang may-ari.” Kapag ‘yun ang [nasa] isip, yayabang tayo. Magiging mayabang, magiging manhid, pati ang pangangailangan ng kapwa hindi na makikita; pero kung ang nasa isip natin, “Katiwala ako. Haharap ako sa tunay na may-ari, at sana maipakita ko, ‘Ganito ko napalago. Hindi para sa sarili ko, kung’di para po sa inyong kaharian, at para sa ikabubuti ng lahat’.”
Sabi naman ni San Pablo sa Unang Pagbasa, hindi naman lahat tayo ay maharlika. Hindi naman lahat tayo ay itinuturing ng mundo na marunong, makapangyarihan, pero kahit ikaw ay mapagpakumbaba, simpleng tao, meron ka pa ring natanggap. Walang pwedeng magdahilan, “Simple lang naman ako eh. Wala naman akong iko-contribute.” Hindi po. Sabi nga ni San Pablo, kalimitan, ‘yung mga simple, ‘yan pa ang may tunay na karunungan. Gamitin mo iyan. Walang tao na walang natanggap. Lahat mayroong natanggap na dapat payabungin; at walang tao na nakatanggap ng lahat ng biyaya. Kaya kailangan natin ang bawat isa: exchange gifts. Lahat steward.
Heto, nakita ko may mga choir dito. Mayroon kayong natanggap na talino: pag-awit. Payabungin yan para sa paglilingkod sa bayan. Pero huwag kumpi-kumpitensya, na “Ah mas magaling ‘yung choir namin. ‘Yung choir na ‘yun, para lang yan sa libing. Dapat ang nakikinig sa kanila ay ‘yung ililibing. Kami, dapat kapag ang obispo ang nagmiMisa.” Ay hindi! Hindi ganu’n. Katiwala tayo, at baka ang pinakikinggan ng Panginoon, ay ‘yung kahit disintunado ay nanggagaling sa puso. Hindi ko sinasabing disintunado kayo ha. Pagandahin n’yo iyon, at yan, pati sa iba’t-ibang mga bahagi.
Bilang katapusan ho, pyesta ni Santa Monica [ngayon]. Ano ang kanyang nagging kontribusyon? Bilang ina ni San Agustin, alam niya na katiwala siya. Hindi niya pag-aari ang kanyang anak. Katiwala siya. Kaya naman inalagaan niyang mabuti. Si San Agustin nga lang, malikot ang isip, kung saan-saan sumapi, napakatagal bago naging Kristiyano; pero si Santa Monica hindi sumuko. Lalo na sa panalangin; at ang kanyang luha sa Diyos, ‘yan ang kanyang kontribusyon. Gagawin niya ang lahat, pero kapag kulang na rin ang kanyang kakayanan, mananalangin [siya]. Kaya po huwag nating aalisin ‘yung prayer life. Bahagi iyan ng pinagkatiwala sa atin. Ang hindi natin nakaya, makakayanan ng may-ari ng ubasan. At ang ating luha at panalangin, kung minsan ‘yan ang ating kontribusyon sa ikabubuti ng iba at ng ating sambayanan.
Transcribed by Joel V. Ocampo
Comments